Humingi ng tulong sa lider ng grupo ng Social Justice for Migrant Workers (SJMW) ang limang OFWs na samahan sila sa Department of Migrants Office (DMO) noong nakaraang Linggo (5 Nov) upang idulog ang kanilang problema.
Sa kanilang sinulat na salaysay, pina-abot kay Marites Palma, lider ng SJMW, kung paano sila naging biktima ng isang OFW din.
Ayon sa kanilang salaysay, ang isang OFW na nag ngangalang Cherepie Velasco ay nagpakilala sa bawat isa sa kanila na umano ay ahente ng isang employment agency dito sa Hong Kong.
Sa iba’t ibang panahon, lugar at paraan, ang limang OFWs ay may kanya-kanyang kuwento kay Velasco.
Sa Pilipinas pa lamang, ilan sa kanila ay nagbigay na kay Velasco ng P45,000 na umano ay para daw pambayad ng kanilang training at medical na kailangan sa pag-apply sa HK.
Pagdating sa Hong Kong, ang limang OFWs ay may parehong karanasan kay Velasco .
Ayon sa bawat isa, sa isang pagkakataon ng nakipagkita sila kay Velasco, sila ay sinabihan na mangutang sa ilang kumpanya ng pautangan sa HK, gamit ang kanilang pangalan. Bagamat sa una ay nag-isip na tumanggi, pero, nangako si Velasco na siya ay magbabayad sa tamang oras. Paliwanag pa ni Velasco, ang perang inutang nila ay gagamitin daw niya sa ilan pang Filipino na nais na magtrabaho sa HK.
Dahil sa pangako na magbabayad si Velasco at makakatulong sa iba pang Filipino na makapagtrabaho sa HK, ang bawat isa ay naniwala. Ang utang sa mga kumpanyang pautangan ng limang OFWs, ay mula sa HK$18,000 hanggang HK$45,000. Kuwento ng mga OFWs, paglabas pa lamang daw sa opisina ng pautangan ay kinuha na ni Velasco ang buong pera na kanilang inutang.
Sa opisina ng DMO, ang staff ang nagbigay ng paliwanag at advise sa kanilang kaso.
Ayon sa grupo, humingi sila ng tulong sa SJMW dahil ayaw nila na magkaroon pa ng iba pang biktima si Velasco. Nais din ng grupo na malaman ng kapwa OFWs na ang kanilang karanasan sa kapwa OFW ay totoong pangyayari at nawa ito ay maging aral sa iba at hindi tularan ang kanilang karanasan.
Patuloy din ang grupo sa pagkuha ng kanilang hustisya sa legal na paraan.
Sinubukan din tawagan si Velasco upang hingan ng kanyang paliwanag, pero, hindi sinagot ang tawag matapos na makailang ring ang phone.
Paalala naman ng lider ng SJMW na si Marites Palma sa kapwa OFWs sa Hong Kong, “Para po sa mga naghahanap ng work abroad, lalu na sa HK, na huwag kumapit sa mga nagpapanggap na agent ng employment company, at huwag magpagamit pagdating dito sa HK na gamitin ang pangalan sa pangungutang sa kumpanyang pautangan. Huwag matakot na tumanggi na ipagamit ang pangalan sa pangungutang, at huwag isipin na may utang-na-loob kaya kayo nakarating sa HK, dahil ang katotohanan, ang employer ninyo ang nagbayad sa agency, at pati kayo ay nagbayad din.”
“Never ipagamit ang inyong pangalan sa utangan para lang makapag-bayad ng utang na loob sa mga tumulong sa inyo. Huwag matakot na ibulgar ang mga maling gawain ng mga taong nagpapanggap na gustong makatulong pero may hidden agenda pala sa likod ng kanilang pagtulong”, dagdag ni Palma.