MAYNILA – Isinusulong ni Senador Lito Lapid ang pagbibigay ng Credit Assistance Program para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2390 ay tinatayang higit sa 2 milyong OFWs ang nagtatrabaho sa abroad noong 2016, base sa survey ng Philippine Statistics Authority.
Batay naman sa records ng Bangko Sentral ng Pilipinas, tumaas sa 5.1 percent ang cash remittances ng OFWs na umabot sa halagang $31,418 billion noong 2021 mula sa $29,903 billion noong 2020.
Ani Lapid, sobrang laki ng ambag ng mga OFWs sa ekonomiya ng bansa mula sa kanilang ‘remittances’ kada taon.
Dahil dito ay mas makabubuti na suklian aniya ang kanilang sakripisyo sa ibang bansa para sa pamilya nila.
“Mabibigyan natin ng kaukulang tulong ang mga OFWs sa pamamagitan ng CAP na magkakroon sila ng mas mabilis na access sa serbisyo at maibsan ang mahaba at matagal na proseso sa pangungutang ng pondo,” aniya ng Senador.
Makaka-avail ang mga OFW ng pautang na hanggang P50,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration.
Yan ay upang magkaroon ng panggastos ang pamilya ng OFWs sa loob ng tatlong buwan, kabilang na rin ang bayad sa recruitment process at plane tickets.
Sa ilalim ng nasabing bill, ang utang ay maaaring bayaran sa loob ng 12 buwang installments o higit pa pero hindi lalagpas sa 24 na buwan na may interest rate na anim na porsyento kada taon. (News Report by Marlon Luistro)