“Sumunod po tayo sa mga batas ng HK upang maiwasan po natin ang abala. Huwag po nating gawin ang mga pinagbabawal para maiwasan na malagay tayo sa alanganin at humarap sa problema. Mahalaga po tayo sa ating mga pamilya na naghihintay sa atin sa Pilipinas man o sa ibang bansa.”
Ito ang bilin ni Consul General Germinia V. Aguilar-Usudan (ConGen Usudan) sa mga Pinoy sa Hong Kong base sa pagkahuli ng Pulis ng Hong Kong sa limang OFWs kahapon,18 February.
Si Usudan ay ang bagong ConGen sa Hong Kong simula ng January 2024.
Bago magbigay ng paalala si ConGen, binati nito ang mga OFWs sa Hong Kong ng masaganang taon sa kasalukuyang Year of Wood Dragon at paalala para sa maayos na kalusugan ng lahat ng OFWs.
Ayon sa Pulis ng Hong Kong, sa ginawang operasyon nila kahapon, ang 5-OFWs ay inaresto ng Pulis sa may City Hall o kilala sa tawag na “Bus No. 13″, kilalang tambayan ng mga OFWs tuwing Linggo o holiday sa Hong Kong.
Matapos arestuhin, dinala sila sa estasyon ng Pulis para sa panimulang inbestigasyon.
Sa unang inbestigasyon, napag-alaman na may hawak na HK ID ang limang Pinay na namamsukan bilang mga domestic worker.
Pansamantala din silang nakalaya na kahapon pa ang mga OFWs dahil sa binayarang piyansa. Sila ay haharap sa husgado sa 27 February 2024, sa Eastern Court, ayon pa rin sa Pulis.
Binigyan din ng paalala ng Pulis ang Publiko na ang mga napatunayang nagkasala sa kasong “gambling on the street”, ay posibleng makulong ng 9-na buwan at magmulta ng HKD30,000.
Bilin naman ng ating konsulado na mahalagang kumontak sa kanilang opisina kung kailangan ng tulong ng ating mga OFWs sa mga sumusunod na numero:
PCG Hotline 9155 4023 or MWO Hotline 5529 1880.
Sinigrudo din ng opisyal ng Assistance to Nationals (ATN) ng Migrant Workers Office (MWO) na si Mr Tony Villafuerte na magbibigay ng tulong o suporta sa mga naarestong OFWs.
Ganun pa man, mahigpit din binilin ni Villafuerte na kailangan ang disiplina ng sinuman upang makaiwas sa anumang kapahamakan. Pina-alala din ni Villafuerte na ang dahilan ng pagpunta sa Hong Kong ay para magtrabaho para sa ating mga pamilya na nasa Pilipinas, kaya nararapat na umiwas sa gulo.
Ilang OFWs naman na sa matagal na panahon ay nakatambay sa may City Hall ang nagsabi na ang grupong nagsusugal ay kailan din lang tumambay doon at nagulat din sila na bakit nagkaroon ng mga nagsusugal sa kanilang tambayan na dati ay tahimik at payapa naman.
Ang sabi pa ng ilan, may ilang mga sasakyan na ng Pulis ang nagmamatyag sa may Bus No. 13 sa mga nagdaang Linggo, ganunpaman, nagulat pa rin daw sila sa naganap na pangyayari.
May nagsabi din na may ilang daang-Hong Kong dollars na pera (malakihang taya) ang nakikita nilang mga taya sa grupong nagsusugal na iyon.