Ayon sa Pulis ng Hong Kong, pasado alas 2:44 pm kahapon ( 26 November) nang matanggap ang ulat ukol sa aksidente ng kotse sa Talo Highway, patungo sa Sheung Shui. Naganap ang aksidente nang ang sasakyan na minamaneho ng 52-anyos na lalaki ay iniulat na bumangga sa isang bangketa.
Ang kotse ay may sakay na limang tao, ang 52-anyos na lalaki na nagda-drive ng kotse, 8-buwan na baby na anak ng nagdadrive, 32-anyos na ina ng bata, ang 28-anyos na babaeng Filipino domestic worker, at isa pang 27-anyos na babae.
Sa unang inbestigasyon ng Pulis, ang driver umano ay nawalan ng control sa pagda-drive at bumangga ang kotse sa bangketa.
Ang Pinay na kalong ang alaga nitong baby na naka-upo sa likuran ng driver ay tumilapon sa labas ng kotse nang ang pintuan umano ng kotse ay bumukas. Sinususpetsahan din na ang OFW ay di naka-seat belt nang mangyari ang aksidente, ayon pa rin sa paunang inbestigasyon ng Pulis.
Nagtamo ng sugat sa ulo, kamay at paa ang OFW, samantala ang alagang baby ay nagtamo ng sugat sa ulo at kamay naman. Ang ina ng bata naman ay nakaranas ng pananakit sa dibdib. Sila ay dinala sa Prince of Wales Hospital para bigyan ng lunas sa natamong sugat at pananakit ng dibdib.
Samantala, ang ama ng bata (driver ng kotse) ay nakaranas din ng pananakit sa dibdib at ang isa pang babaeng pasahero naman ay pananakit ng kanyang leeg, na dinala naman sa Nethersole Hospital.
Ayon sa ulat ng otoridad ng Hong Kong ngayong araw, 27 November, ang baby ay nasa kritikal na kondisyon, samantalang ang OFW ay seryoso pa rin ang kalagayan sa hospital.
Ang nagdadrive ng kotse na ama ng baby ay kinasuhan ng “Dangerous Driving Causing Serious Bodily Injury to Another”, at pansamantalang nakalaya dahil sa piyansa.