Home Migrant News DMW Bilang ng mga OFWs na naisyuhan ng OEC, tumaas ng 17%...

DMW Bilang ng mga OFWs na naisyuhan ng OEC, tumaas ng 17% noong 2023

how-to-apply-oec-ofws-owwa

Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na tumaas ng 17 porsyento ang bilang ng mga overseas employment certificates (OECs) na inisyu nito noong 2023 kumpara sa nakaraang taon.

“Parehong umakyat—608,000 sea-based this year, 554,000 last year; land-based this year, 491,000, last year 411,000,” sabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac sa isang press conference.

“On both fronts, tumaas pero mas kapansin-pansin iyong 608,000 because first time tayo nag-isyu ng 608,000 for the sea-based sector,” aniya pa.

Iniugnay ni Cacdac ang pagdami ng mga nabibigyan ng OEC sa pagbubukas ng ekonomiya sa pagbangon mula sa COVID-19 pandemic.

Sa nasabing developments, sinabi ng DMW na inaasahan nila na ang bilang ng mga OEC issuances sa 2023 ay malalagpasan ang all-time high record.

Sa pagtatantya ng World Bank, sinabi ng DMW na umabot na sa $40 bilyon ang mga remittances ng OFW noong 2023, kumpara sa $32 bilyon na record noong 2022.

Samantala, iniulat ng DMW na para sa taong ito ay inasistehan ng ahensya ang 382 biktima ng human trafficking sa Cambodia, Laos, at Myanmar, gayundin ang 372 na mga biktima ng illegal recruitment sa Italy.

Sa gitna ng Israel-Hamas war, may kabuuang 555 OFWs ang na-repatriate. Kaugnay naman ng civil war sa Sudan, habang nasa 700 OFWs din ang pinauwi sa Pilipinas. (Marlon Luistro)