Home Community Events PHL ConGen hinarap ang grupo ng mga OFWs at tinanggap ang sulat...

PHL ConGen hinarap ang grupo ng mga OFWs at tinanggap ang sulat para kay PBBM

Sa bihirang pagkakataon ay bumaba ang Philippine Consul General dito sa Hong Kong upang tanggapin ang hinandang sulat ng mga OFWs ng kanilang mga kahilingan kay Presidente Bong Bong Marcos (PBBM).

Si ConGen Germinia V. Aguilar-Usudan ay mismong pumunta sa pinagdadausan ng programa sa ibaba ng building ng konsulado at humarap sa ilang lider mula sa iba’t ibang organisasyon upang tanggapin ang sulat ng mga grupo ng mga OFWs para ipa-abot kay PBBM.

Ang grupo ng mga OFWs, sa pangunguna ng United Filipinos in HK (UNIFIL), ay nagsagawa ng programa sa paggunita sa buwan ng kababaihang manggagawa.

Bahagi ng programa ay panawagan sa Gobyerno ng Pilipinas ang pagtanggal sa sapilitang singilin o mandatory fees sa mga OFWs tulad ng PhilHealth (RA No 11223), SSS (RA No 11199, Pag-Ibig (RA No 9679) at pagbayad ng insurance (RA10022). Ang pagbabayad daw sa mga nabanggit na bayarin ay gawing boluntaryo at bigyan ng bigyan ng karapatang magdesisyon kung kinakailangan ang insurance.

Ang pagtanggal sa overseas employment certificate (OEC) ay maigting din na kasama sa kahilingan ng grupo na ilang taon na panawagan sa mga nagdaang administrayon.

Pagtigil o pagsugpo sa illegal recruitment na kasalukuyang malaking isyu sa mga OFWs sa Hong Kong na ilan ay nabiktima umano ni Nina Mabatid, may ari ng Opportunities Abroad. Kahilingan din ng grupo kay PBBM na umano ay pabilisin ang pag-asikaso ng NBI at Department of Migrant Workers sa kasong ito.

Ang sulat ng mga kahilingan ay pinirmahan ng representative ng 64 organisasyon ng mga OFWs sa Hong Kong.

Matapos tanggapin ni ConGen Usudan ang sulat, ito ay nagbigay pugay sa mga babaeng OFWs para sa Buwan ng Kababaihan.

“Batiin ko lang kayo ng magandang araw at maligayang araw ng pag-celebrate natin ng women’s month, mga bayani ng ating bansa, mga babae.”

Siniguro din ni ConGen Usudan na makakarating ang sulat kay PBBM.

“Mag-ingat kayo at ito po ay makakarating sa Presidente at asahan nyo ang aming pagmamahal sa inyo at suporta, maraming salamat po”, pagwawakas ni ConGen.