Maynila – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga overseas Filipino worker (OFWs) nitong Miyerkules ang pagpapatuloy ng mga programa at proyekto ng gobyerno na magpapaangat sa kalidad ng kanilang buhay habang tinitiyak ang komportableng buhay para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa kanyang mensahe sa OFW Family Day sa Pasay City, sinabi ni Pangulong Marcos na patuloy na ginagawa ng gobyerno ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa ibang bansa.
Kabilang aniya sa mga efforts ng gobyerno ay ang pagbuo ng “One Repatriation Command Center,” kung saan bukas ang 24/7 hotline 1348 para sa mga kailangang iligtas at i-repatriate na OFWs gayundin ang mga nangangailangan ng counselling at legal assistance.
Maaari ring kontakin ng mga OFWs ang Overseas Workers Welfare Administration gamit ang nasabing hotline para sa mga katanungan at hinaing kabilang na ang mga serbisyo at benepisyong ibinibigay ng OWWA, mga isyu sa employment contracts at repatriation assistance.
Bukas ang hotline 24/7 Lunes hanggang Linggo kabilang na ang holidays.
Samantala, idinagdag ni Marcos na nagbibigay din ang gobyerno ng mga serbisyo at programa para sa reintegration ng mga OFWs na piniling manatili sa Pilipinas for good.
Kabilang sa iba pang programa ng pamahalaan para sa OFWs ay ang mga sumusunod: Livelihood Development Assistance Program, the Balik Pinas, Balik Hanap-buhay, the Financial Awareness Seminar-Small Business Management Training, the Enterprise Development Loan Program, the Tulong Pangkabuhayan sa Pag-unlad ng Samahang OFWs
Binigyang-diin din ng Pangulo ang mga programa ng gobyerno tulad ng OFW Children Circle at ang OWWA Education and Training Program at Educational Assistance, at ang pagtatayo ng OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga.
“Marami pang proyekto ang nakapila, at kahit ang kasalukuyang programa ay pagagandahin pa natin. Umaasa po akong susulitin ninyo at gagamitin ng wasto ang mga kagamitang ito. Kasabay ng pagkayod ninyo sa ibayong dagat para sa mas magandang buhay ng inyong pamilya, ay ang aming pagsisikap na magpaunlad pa lalo sa ating bansa upang sa inyong pagbabalik ay makikita ninyo ang malaking pagbabago,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Tiniyak din niyq sa mga OFW na sinusubaybayan ng administrasyon ang landas tungo sa isang “Bagong Pilipinas” kung saan ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay opsyon lamang para sa mga gustong magtrabaho sa ibang bansa dahil sa mas maraming oportunidad na available para sa kanila sa Pilipinas.
“Kaya hiling ko na magka-isa tayo [sa] pangangarap at pagpapanday ng isang bansang matatag, maunlad, at puno ng oportunidad para sa bawat Pilipino. Para makamit natin ito, hinihikayat ko ang lahat na yakapin ang pagiging isang makabagong Pilipino,” ani Marcos.
“Sa ating mga OFW na araw-araw ay nagpapamalas ng sipag, husay, at katatagan sa inyong mga propesyon at siyang maipagmamalaki natin sa buong mundo: Kayo ang tunay na halimbawa ng makabagong manggagawang Pilipino.” (Marlon Luistro)