Home Business Asawa ng OFW na nahold sa airport, humihingi ng tulong

Asawa ng OFW na nahold sa airport, humihingi ng tulong

Asawa ng OFW na nahold sa airport

“Hingi po sana ako ng tulong pasa aking asawa na isang OFW sa Hong Kong na hinarang sa Immigration at kinuha ng HK Pulis”, ito ang mensahe ng asawa ng OFW na pina-abot sa HKPinoyTVNews. “Sana po ay matulungan nyo ako”, dagdag ng mister na itago natin sa pangalang Rolan, 33 anyos.

Ang asawa ni Rolan, si MRF (initials ng pangalan), 35 anyos, ay pauwi na sana sa Pilipinas noong 26 January sa kanyang nakatagdang flight sa Hong Kong International Airport, pero, bago pa mandin makalabas ng Immigration ng Hong Kong siya ay na-hold at ini-ulat sa Pulis. Umano, ito ay pinaghihinalaan nasangkot sa kaso ng money laundering.

Ayon kay Rolan, masaya siyang naghihintay sa pagbabalik ng kanyang misis at may plano pa sila na sasamahan niya ang kanyang asawa sa pag-aayos ng mga requirements para sa bagong employer nito. Kayat malaking gulat niya na malaman niya na ito ay di makakauwi at arestado ng Pulis.

Ilang araw pa bago nangyari ang pag-aresto sa asawa niya, nagkaroon pa sila ng komunikasyon at napag-usapan pa nila na ang pera sa bangko ni MRF ay P9K na libo na lang, samantalang ang gagastusin nila para sa medical requirements ay P11K.

“Kaya nga po, sabi namin, paano kaya yan, kulang pa ang pera para sa panggastos sa paghahanda sa bagong niyang employer”, kwento ni Rolan sa HKPinoyTV.

Excited daw kasi si MRF sa bagong nitong employer na mabait daw sa kanya nang siya ay ma-interview at mag-aalaga lang daw ng 8-taon na bata. Kaya sa pag-uwi nito, nakaplano ang pag-aasikaso ng mga dokumento sa pagbabalik sa HK, kwento pa ni Rolan.

Si MRF ay 20-buwan namasukan sa HK ng i-terminate ng kanyang employer dahil hindi na daw kailangan ang isa pang kasambahay. Bago naman matapos ang 14-days na visa niya ay nakahanap ito ng employer.

Ilang taon din nagtrabaho si MRF sa Kuwait bago ito nag Hong Kong, kwento pa rin ni Rolan.

Sa kasalukuyan, nasa Bulacan si Rolan para asikasuhin ang kanilang anak na nag-aaral. Sa hirap ng buhay umano sa Pilipinas ay masakit na may inaalala pang malaking problema tulad sa kaso ng kanyang asawa kaya nanawagan siya ng tulong.

Panawagan din ni Rolan na sana ay unawain ang kalagayan ng kanyang asawa dahil hindi pa alam ang katotohanan at sana huwag itong husgahan o i-bash.

Ayon sa phone interview ng HKPinoyTV sa Pulis ngayong umaga, ang OFW ay inaresto noong 26 January sa HK International Airport sa kasong money laundering. Siya ay humarap sa court ng Eastern Magistracy sumunod na araw, 27 January. Ang may hawak ng kaso ng OFW ay ang District Investigation Team ng Central District ng Hong Kong, ayon pa rin sa Pulis.

Noong 21 January, nagbigay ng seminar ang HK Police sa grupo ng mga OFW ukol sa pagbibigay kaalaman sa mga krimen sa Hong Kong. Isa sa mahalagang topic ang binigyan diin ng HK Police ay ang money laundering na umano ay may nabibiktimang mga OFWs sa mga nagdaang taon at sa kasalukuyan.