Home Environment 28 patay nang mahulog ang isang bus sa bangin sa Antique

28 patay nang mahulog ang isang bus sa bangin sa Antique

28PatayAntique_Sc

Isang trahedya ang naganap nang hapon ng Martes (5 Nov), na kumitil ng 28 tao mula sa Hamtic, Antique.

Ayon sa ulat ng GMA Integrated News, sa panayam ng Super Radyo dzBB kay Antique Governor Rhodora Cadiao, sinabi nito na nangyari ang trahediya sa Barangay Igbucagay dakong 4:30 p.m.

Sakay ang 53 na tao ng bus nang ito ay mahulog sa bangin. Galing umano sa Iloilo ang bus at papuntang San Jose sa Antique. Ang bus ay nahulog umano sa bahagi ng highway sa bundok na walang barrier o harang.

Sa ulat, sinabi na agad na nasawi ang 25, habang sa ospital naman pumanaw ang tatlong iba pa. 16 na sakay pa ng bus ang malubhang nasugatan.

“Grabe ang kanilang injuries kasi ravine ito. Kung hindi ako nagkamali, mga 20 to 30 meters down,” ani Cadiao.

“Tatlo ang nag-expire right before my eyes, hindi pa kasama sa 25 na dead on impact,” dagdag niya.

Ayon pa rin kay Cadiao, base umano sa kuwento ng isang nakaligtas, bago umakyat sa bundok ang sasakyan ay sinuri pa umano ng driver ang bus. Panay umano ang busina ng driver nang magtuloy-tuloy na ang bus dahil nawalan na ito ng kontrol sa sasakyan.

Pauwi ang mga pasahero nito na karamihan ay mga Antiqueños. Ilan ay mga estudyante at mga seaman na pauwi sa kanilang pamilya.

Sinabi rin ni Cadiao na hindi iyon ang unang pagkakataon na may sasakyan na nahulog sa nasabing bahagi “mountain highway”. Nilaparan na umano ng Department of Public Works and Highways ang kalsada sa lugar at naglagay ng cement barrier pero hindi pa rin umano sapat.