Matapos ang isang linggo ay muli na namang naglabas ng advisory ang Phivolcs kaninang hapon laban sa masamang epekto ng volcanic smog o vog na namataan Bulkang Taal.
Ayon sa Phivolcs, simula alas-12:30 ng tanghali kanina ay patuloy na obserbahan ang vog sa may Taal Lake. Tuloy-tuloy din ang upwelling sa may main crater lake na lumikha ng steam plumes o usok na may taas na 2,400 metro bago napadpad sa direksyong west southwest.
Batay sa kanilang monitoring ay umabot na rin sa 4,569 tons per day ng volcanic sulfur dioxide o SO2 emission ang ibinubugang gas main crater ng bulkan ngayong araw.
Babala ng Phivolcs, ang vog ay binubuo ng mga droplets ng volcanic gas gaya ng S02 na acidic at maaaring magdulot ng pagkairita ng mga mata, lalamunan at baga depende sa gas concentrations at duration ng exposure.
Dahil ditoy pinaalalahanan ang mga residenteng iwasan ang outdoor activities at manatili sa loob ng bahay at sarhan ang pinto para limitahan ang exposure sa panganib ng vog.
Pinapayuhan din silang magsuot ng N95 facemask at uminom ng tubig para mabawasan ang pagkairita o pagkabara ng lalamunan. Kung nasa mga sensitibong grupo ng mga tao gaya ng may sakit na ashtma, lung disease at heart disease, senior citizen, buntis at mga bata ay mangyaring bantayan ang sarili at kumonsulta sa doktor o barangay health unit.
Bilang pag-iingat sa vog ay sinuspinde na rin muna ang face to face classes at sa halip ay nagshift na muna sa modular distance learning ang mga klase sa Barigon Elementary School, Mahabang Gulod Elementary School, Bilibinwang Elementary School, Banyaga National High School at Banyaga Elementary School mula ngayong araw hanggang bukas September 22. Habang bumalik na rin muna sa modular distance learning din ang ilang paaralan sa bayan ng Laurel at Tanauan City.
Sinabi rin ng Balete MDRRMO sa naunang ulat na nakapagtala sila ng anim na senior High school students na nakaranas ng pangangati ng balat, hirap sa paghinga at, ang ilan, atake ng asthma. Pumalo na rin sa ?1.9 Milyon ang tinatayang pinsala sa agrikultura sa nasabing bayan nang dahil sa vog.
Samantala, Nananatili naman sa Alert Level 1 ang bulkang taal na ibig sabihin ayon sa Phivolcs ay nananatiling abnormal ang kondisyon ng bulkan at hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagsabog.
Sa ilalim ng Alert Level 1 ay naroon pa rin ang banta ng biglaan steam-driven o phreatic explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall at nakamamatay na pag-ipon o pagbuga ng volcanic gas. Kaya naman patuloy na pinaalalahanan ang publikong bawal ang magtungo sa Taal Volcano Island na idineklarang permanent danger zone partikular na sa main crater at Daang Kastila Fissure.
Pinaalalahanan din ng Phivolcs ang mga piloto ng eroplanong iwasang lumipad malapit sa bulkan dahil na rin sa bantang dala ng airborne ash at ballistic fragments mula sa biglaang pagsabog.