Home PHL News Libreng sakay ng bus, jeepney ibabalik sa Nobyembre 1 – LTFRB

Libreng sakay ng bus, jeepney ibabalik sa Nobyembre 1 – LTFRB

philippines-jeepney

Muling ilulunsad ng gobyerno ang kanilang free ride program para sa mga public utility jeepney at bus sa Metro Manila simula ika-1 ng Nobyembre, inihayag kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa press briefing, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na inaprubahan ng Department of Budget and Management ang pagpopondo ng P1.3 bilyon para sa libreng sakay sa kahabaan ng EDSA Carousel at iba pang bahagi ng Metro Manila.

“Sa buwang ito, inaasahan namin ang paglalabas ng pondo para sa pagbabalik ng mga libreng sakay,” sabi ni Guadiz sa mga mamamahayag.

Ang “Libreng Sakay” program ay bahagi ng service contracting system ng administrasyong Marcos.

Bibigyan ng prayoridad ng LTFRB ang mga makabagong jeepney at kooperatiba na dati nang naka-enroll sa service contracting scheme, ayon kay Guadiz.

Aniya, babayaran din ng transport regulator ang mga operator ng public utility vehicles na hindi nabayaran noong panahon ng pandemya.

Ang libreng sakay ay tatagal hanggang Disyembre 31 bilang “maagang regalo sa Pasko sa mga commuters,” ani Guadiz. (Marlon Luistro)