hkpinoytv, hong kong news, pinoy tv, philippines news, ofw

OFW couple’s unconditional love for daughter with rare disease

| January 31, 2018

ofw-coupl-with-daughter

Sa higit na dalawang taon na pag-alaga sa kanilang anak hindi nakaramdam ng pagod ang mag-asawang JBlove at Warlito Taleon kahit na obligado sila sa gawaing bahay at pag-aalaga rin ng tatlong anak ng kanilang employer bilang mga domestic worker dito sa Hong Kong.

November 10, 2015 nang isilang si Harriet sa Queen Mary Hospital. Ilang oras pa lang si baby Harriet  nang isilang ay kinuha agad ito ng doctor at sinabing may ilang dapat na pagsusuri  dahil may kakaibang napansin ang mga doctor. Para sa ilan pang pagsusuri at pangangalaga kay baby Harriet naiwan ito ng higit isang buwan sa ICU sa hospital, pero hindi nagkulang ang mag-asawa sa pagdalaw upang makapiling ito.

Makaraan ang ilang buwan at  ilang pagsusuri ng doctor na-diagnosed si baby Harriet ng TORCH o TORCH syndrome ((T)oxoplasmosis, (O)ther Agents, (R)ubella (kilala din na German Measles), (C)ytomegalovirus, and (H)erpes Simplex). Ayon sa doctor, ang TORCH ay hindi pagkaraniwang sakit o ito daw ay isang rare disease. Nagdaan ng pagsusuri ang mag-asawa upang alamin ang pinanggalingan ng sakit pero parehong negatibo ang resulta at wala ng maipaliwanag ang doctor kung bakit nagkaroon si baby Harriet ng TORCH.

Dahil sa TORCH, hindi normal ang paglaki o pag-develop ni baby Harriet. Dahil din dito, hindi gaanong nag-develop ang utak ng bata at mas maliit din ang kanyang ulo ikukumpara sa iba.  May mga oras o panahon din na nagkakaroon ng seizure ang bata dahil sa di pangkaraniwan nitong sakit. Di tulad ng batang isang taon na nagsimula na nang humakbak, si baby Harriet ay di nakaranas nito at sa sumunod pang mga araw ito ay nakaratay lamang.  Hindi rin  nakakarinig si baby Harriet  kaya ito ay kinabitan ng hearing aid makalipas lamang ng ilang buwan. Inoperahan naman para sa gastronomy tube nang si baby Harriet ay higit isang taon na. Ang gastronomy tube ay kinabit dahil hirap itong lumunok kaya ang pagkain o gatas at mga gamot ay dinadaan sa tubo diretso sa kanyang tiyan. Obligado din ang bata na uminon mg 3 klaseng gamot sa umaga, 6 sa tanghali at 9 naman sa gabi ayon pa rin sa mag-asawa.

Sa kapansanan ng bata, hindi nawala ang pagmamahal ng mag-asawa, bagkus mas lalu itong nagbigay ng dahilan upang lalung alagaan ang kanilang anak at bigyan ng buong pusong pagmamahal. Ang pag-aruga sa kanilang anak ay hindi naging sagabal para gampanan nila ang gawain nila bilang kasambahay. Sa isang kuwarto sa bahay ng kanilang employer ang naging tahanan ng pamilya.

Sabi ni JBLove, mas malapit daw ang bata sa tatay nito na sa ilang bahagyang paraan naman pinakikita ni baby Harriet ang mga paglalambing. Bilang nanay, ang makita ang paglalambingan ng kanyang mag-ama ay kaligayahan din para sa kanya.

Hindi rin naman matatawaran din ang suportang binigay ng kanilang employer, mga kaibigan nito at ating mga kababayan para sa kanilang anak.  Ang pamilya ng employer nila na tinuring na rin  na bahagi si baby Harriet sa kanilang pamilya na sa loob ng higit dalawang taon ay nagbigay di lang mga materyal na bagay kundi pagmamahal din sa bata. Ilang mga kababayang Pinoy ang  nagdala din ng gatas kay baby Harriet at ilan pang mga pangangailangan nito.

Sa katayuan ng bata, tanggap ng mag asawa ang anumang dinanas nila na hirap at pagod basta kapiling nila si baby Harriet ay masaya sila.

Pero, may hangganan.

Ayon kay mag-asawa, simula pa lang ng isilang si baby Harriet sinabihan na sila na kailangan tanggapin na sandali lamang ang buhay ng bata.

Ang “sandali” ay umabot ng 2-taon, dalawang buwan, at 13 na araw.

Noong 21 January ng alas-siyete ng umaga, napansin ng mag-asawa na inatake ng seizure si baby Harriet. Tumawag ng ambulansiya ang mag asawa at agad na dinala ito sa hospital. Sa hospital, agad na binigyan ng tulong ang bata at nilagyan ng ilang aparatus upang patuloy ang paghinga. Pero hindi nagtagal at noong Martes, January 23, eksakto alas 3:15 nawalan na ng buhay si baby Harriet.

Masakit man, tinanggap ni JBlove at Warlito ang hangganan ng buhay ni baby Harriet.

At dito muli magsisimula ang panibago nilang buhay.

Nais ng mag-asawa na dalhin si baby Harriet sa kanilang probinsiya, sa Guimaras, Iloilo, ng hindi dumaan ng pagsusuri, gusto nila na buo daw ang bata na makita ang kanilang pamilya sa probinsiya kasama na rito ang kanilang panganay na 12-anyos na babae. Gusto ng ate na makita ang kanyang baby sister na ngayon pa lamang niya masisilayan. Ganun din, nagdesisyon si Warlito na manatili na sa Pilipinas at di daw nito kakayanin ang ala-ala ng anak na kasama niya sa Hong Kong. Si JBlove, haharapin ang pagsubok bilang ina na patuloy na magtatrabaho sa Hong Kong tulad ng ilang libo pang mga kababaihan na OFW.

“Uuwi na si Warlito sa atin, di na babalik dito. Di niya daw kakayanin ang ala-ala ni baby Harriet”, paliwanag ni JBlove sa desisyon ng kanyang asawa habang nakayuko lamang  si Warlito at walang imik na dama ang pagdaramdam sa pagkawala ng kanyang anak.

Sa pag-uwi ng bata, hindi nagkulang ang kanyang employer na tulungan sila kaya ito ay gumawa ng panawagan sa GoFundMe na kung saan nakapag raise ng higit AUD6,000 para gagamitin sa ilang gastusin para maiuwi ang bata.

Inasikaso din ng ating Konsulado ang ilang mga papeles na kakailanganin para sa pagpapauwi kay baby Harriet.

Maliban sa gastusin ng pag-uwi ng bata, kailangan pa rin ng tulong para sa gastos sa punenarya at pagpapalibing dito.

Sa ating mga kababayan, kung may maitutulong para sa mag-asawang JBlove at Warlito Taleon, malugod na pasasalamat mula sa mag-asawa.

Maaring ipa-abot kay JBlove ang tulong na matatawagan sa numerong (852) 9100 2747.

Magkakaroon ng huling pagkakataon na makita dito sa Hong Kong si baby Harriet sa darating na Sabado, February 3, sa Queen Mary Hospital Chapel, alas 3 ng hapon hanggang 3.45. Iuuwi naman si baby Harriet sa Pilipinas kinabukasan, 4 February,  ng kanyang mapagmahal na mga magulang.

Tags:

Category: Community

Comments are closed.

HKPinoyTV Menu
Menu